Balarila
ADVERTISEMENT

Ang balarila ay isang salitang hango sa wikang Español na nangangahulugang gramatica, at grammar naman sa Ingles. Ito ay ang pag-aaral ng estruktura ng wika.

Tinatalakay ng balarila ang mga tuntunin ng isang wika ukol sa mga uri, pagbuo at wastong paggamit ng mga salita, at pagsulat.

Sinasabing si Mamerto Paglinawan ang unang gumamit ng salitang balarila sa kaniyang aklat na gramatika sa wikang Tagalog.

Basahin: Wastong Paggamit ng Bantas

Gayunpaman, naging popular ang balarila dahil ginamit ito sa aklat ni Lope K. Santos at siya namang naging unang teksbuk sa pag-tuturo ng Wikang Pambansa.

Noong mga taong 1905 hanggang 1906, nilikha ang salitang ito ng dating samahan ng mga mananagalog. Mula ito sa mga salitang badya na nangangahulugang pagpapahayag, pagsasaad, paggagad, o babala na nagpapahayag ng isang kautusan at dila naman na nagpapahiwatig ng wika.

Isinasaad ng pinagsamang badya at dila ang paggamit ng dila sa pagsasalita upang maipahayag ang nais sabihin ng isang tao.

Malaki ang posibilidad na ang pagsusuri sa gramatika ng wikang Filipino ni Lope K. Santos ay ibinatay sa mga unang pag-aaral ng mga misyonero. Sa kasaysayan, ang mga misyonero ang unang nag-aral sa estruktura ng mga wika sa Pilipinas at ilan sa mga pag-aaral na ito ay nalathala tulad ng Artes y reglas de la lengua tagala noong 1610 na isinulat ni Fray Francisco de San Jose.

Bukod sa pagpapalaganap ng imbentong salita na balarila, ay nagtagumpay din ang aklat ni Santos sa pagpapalaganap ng isang buong sistema ng katawagan sa gramatika tulad ng pangngalan, pandiwa, pang-uri, pang-abay, panghalip, pantukoy, at marami pang iba.

Basahin din: Barayti ng Wika
Panitikan ng Pilipinas