Bienvenido Lumbera

Si Bienvenido Lumbera ay isang Pilipinong makata, libretista, kritiko, dramatista, makabayan, at iskolar ng Pilipinas na may maraming napanalunan.

Ipinanganak siya noong ika-1 ng Abril taong 1932 sa bayan ng Lipa, Batangas. Nakapag-aral siya sa kursong Batsilyer sa Literatura, major sa Journalism at nagtapos bilang isang cum laude sa Unibersidad ng Santo Tomas noong 1954.

Pagkaraan ay nakamit niya ang digring masteral at doktoral sa Comparative Literature sa Indiana University sa Estados Unidos.

Basahin: Buwan ng Wika

Kinilala ang ambag ni Bienvenido Lumbera sa pagpupunyagi niyang matuklasan ng mamamayang Pilipino ang kanilang identidad pangkultura, gayundin ang pag-uugnay niya ng kaniyang sining sa bayan.

Bilang isang makata, nakilala si Bienvenido Lumbera sa isang palabas ng Heights noong 1965 na may tulang pinamagatang Bagay.

Bilang libretista naman, itinatanghal ni Lumbera sa kaniyang mga dula ang katutubong sining at pagpapahalaga sa kasaysayan at kultura ng bansa. Kongreto ang kaniyang mithiing demokratiko para sa Pilipinas, tulad ng sa musikal na Tales of the Manuvu at Rama Hari, pagsasatanghalan ng Noli Me Tangere, America is in the Heart, Banaag at Sikat, at ang sarsuwelang Hibik at Himagsik.

Silipin din: Baybayin

Kilala rin si Bienvenido Lumbera bilang mahusay at masugid na tagasubaybay at tagapagsalaysay ng pag-unlad ng panitikan, wika, at kulturang Pilipino.

Ilan sa mga likha niya ay ang mga aklat na pinamagatang Philippine Literature: A History and Anthology, Sulyap at Suri sa Nagbabagong Kultura at Lipunan, Paano Magbasa ng Panitikang Pilipino? at marami pang iba.

Nakatanggap siya ng iba’t-ibang parangal tulad ng Gawad CCP para sa Sining noong 1991, Ramon Magsaysay Awards for Journalism, Literature and Creative Communication Arts noong 1993, at ipinagkaloob din sa kaniya ang Pambansang Alagad ng Sining sa Panitikan noong 2006.

Basahin din: Balarila
Kasaysayan ng Pilipinas

ADVERTISEMENT
loading...