Casa Gorordo
ADVERTISEMENT

Ang Casa Gorordo ay isang bahay-na-bato na itinayo noong kalagitnaan ng siglo 19 na matatagpuan sa Kalye Lopez Jaena, Barangay Parian sa Lungsod ng Cebu.

Sa kasalukuyang panahon, ang Casa Gorordo ay nagsisilbi bilang isang museo at isa sa mga popular na lugar panturista ng lungsod. Tulad ng ibang bahay-na-bato na itinayo noong panahon ng kolonya ng España, gawa ang Casa Gorordo sa mga tipak ng batong korales, sahig na mulawin, bubong na gawa sa tisang terra cotta, at mga bintanang gawa sa kapis.

Basahin: Torogan

Makikita ang mga antigong muwebles, kasangkapan sa pagluluto, pananamit, pintura, at aklat sa nasabing museo. Ipinagawa ito ni Alejandro Reynes y Rosales sa makasaysayang distrito ng Parian.

Ginawa rin itong tirahan ng mga tanyag at may-kayang angkan ng Cebu. Di naglaon, binili ito ni Juan Isidro de Gorordo, isang mangangalakal na Español noong 1863.

Magmula taong 1863 hanggang 1979, apat na henerasyon ng pamilya Gorordo ang nanirahan sa bahay-na-bato na ito. Kabilang sa nanirahan ay si Juan Bautista Perfecto Gorordo o mas kilala sa tawag na Juan Gorordo na siyang nagsilbing unang obispong Pilipino ng Cebu mula 1910 hanggang 1932.

Makalipas ang ilang taon, binili ang bahay ng Ramon Aboitiz Foundation, Inc. noong 1980 at sumailalim ito sa restorasyon bago buksan sa publiko bilang isang museo. Noong 1991, itinanghal ang Casa Gorordo bilang Pambansang Palatandaang Makasaysayan ng Pilipinas.

Basahin din: Pindangan Ruins
Kasaysayan ng Pilipinas