Filibustero

Ang filibustero ay isang tao na mahaba kung magtalumpati, karaniwang dahil sa layuning binbinin ang pagpapasiya tungkol sa isang kaso, hukuman, o batasan.

Maaari rin itong mangahulugang abenturero noong ika-19 na siglo na may layuning mangupat ng pag-aalsa sa America Latina. Mula ito sa salitang Olandes na vrijbuiter o freebooter o pirata kung Tagalog na tumutukoy sa mga taong sumasalakay sa mga kolonya ng España at barko sa West Indies.

Basahin: Ilustrado

Sinasabing unang gumamit ng taktika ng filibusterismo si Cato, isang Romanong senador. Sa mga debateng hindi niya sinasang-ayunan, tuloy-tuloy siyang nagsasalita hanggang sa gumabi kaya hindi na nakakapagbotohan ang pinag-uusapan.

Dalawang beses ginamit ni Cato ang filibusterismo laban sa mga layuning politikal ni Julius Caesar.

Ang filibustero bilang kaaway ng bayan ang higit na ginamit sa Pilipinas noong panahon ng Español. Tungkol sa erehe at filibustero—dalawang mabigat na kasalanan sa panahon ng pananakop ng Español na mababasa sa ikaapat na kabanata ng Noli Me Tangere na isinulat ni Jose Rizal.

Sa kabanatang ito, pinaratangang erehe at filibustero ang ama ni Crisostomo Ibarra na si Don Rafael Ibarra kaya siya ikinulong.

Itinuring siyang filibustero dahil pinagbintangan siyang pumatay ng kobrador ng buwis, isinuplong dahil suksritor sa mga pahayagang liberal, at nakuhanan ng liham at retrato ng isang binitay na pari.

Ang El Filibusterismo ang ikalawang nobelang isinulat ni Rizal. Tungkol ito sa pagbabalik ni Crisostomo Ibarra bilang ang mag-aalahas na si Simoun upang pumatay at maghiganti sa dinanas na kasawian.

Bumalik siya bilang bayani ng anarkista upang ilagay sa alanganin ang mga mariwasa at may katungkulan habang lihim na binibigkis ang mga api’t mahihirap upang lumaganap ang protesta at magsimula ang rebolusyon.

Basahin din: Buod ng El Filibusterismo
Kasaysayan ng Pilipinas