Fort Pilar
ADVERTISEMENT

Ang Fort Pilar ay isang moog na matatagpuan sa Lungsod Zamboanga na itinayo ng Heswitang paring si Padre Melchor de Vera noong ika-23 ng Hunyo taong 1635.

Kasama ni Padre de Vera si Kapitan Juan de Chaves sa pagpapatayo ng Fort Pilar na unang tinawag na Real Fuerza de San Jose at nagsilbing tanggulan ng mga Kristiyano laban sa pagsalakay ng mga Muslim, Olandes, at Chino.

Noong 1663, iniwan ito ng mga sundalong Español nang magpunta sila sa Maynila upang kalabanin at paalisin ang mga piratang Intsik. Muli namang pinaayos ang Fort Pilar sa pangunguna ng inhenyerong Español na si Juan Sicarra noong 1719 at tinawag itong Fuerza de Nuestra Señora del Pilar de Zaragoza bilang alay sa patrong si Nuestra Señora del Pilar.

Basahin: Fort Santiago

Sa mga di inaasahang pangyayari, ilang pagsalakay ang nalampasan ng Fort Pilar tulad ng pagsalakay ng hukbo ni Dalasa—Hari ng Bulig kasama ang 3,000 na Muslim.

Noong 1798, binomba naman ng mga British ang kutang ito at pagkaraan ay naging bilangguan din ito ng 70 na tao noong 1872.

Kalaunan ay inabandona ng mga Español ang Fort Pilar noong 1898 na siya namang ginawang kuta ng mga Amerikano noong 1899 subalit sinakop din ito ng mga Hapon noong 1942.

Kinilala ang Fort Pilar bilang Pambansang Yamang Pangkultura noong ika-1 ng Agosto taong 1973 sa bisa ng Presidential Decree No. 260. Matapos mailipat sa Pilipinas ang pamamahala sa moog, sinimulan ang restorasyon dito noong 1980 na pinamahalaan ng Pambansang Museo ng Pilipinas.

Silipin din: San Juan de Dios Hospital

Makalipas ang ilang taon, muling binuksan ang moog na ito bilang isang museo na nagtatampok ng Kontemporaneong Sining ng Pilipinas. Pagkaraan ay isinagawa ang pagbubukas ng ikalawang palapag ng museo na nagtatampok ng eksibit ng mga yamang-dagat ng Zamboanga, Basilan, at Sulu.

Sa kasalukuyang panahon, ang Museong Fort Pilar ay isa nang popular na pook at paboritong pasyalan sa Lungsod ng Zamboanga.

Basahin din: Corregidor
Kasaysayan ng Pilipinas

ADVERTISEMENT
loading...