Juan Luna Shrine
ADVERTISEMENT

Ang Dambanang Juan Luna (Juan Luna Shrine sa wikang Ingles) ay ang rekonstruksiyon ng bahay na sinilangan ni Luna noong ika-24 ng Oktubre taong 1857.

Ito ay matatagpuan sa Badoc, Ilocos Norte—ang sinilangang bayan ng bayaning pintor na si Luna. Matatagpuan din sa labas ng bahay ang isang monumento ni Luna.

Ipinahayag din na ang Juan Luna Shrine ay kikilalanin bilang Pambansang Palatandaang Makasaysayan ng Pilipinas na idineklara noong ika-7 ng Oktubre taong 1976.

Basahin: Sandugo Shrine

Ang bahay ay mayroong dalawang palapag na gawa sa tisa, may mga nakasabit na mga retrato sa dingding—makikita ang orihinal na gusali at kung paano ito binuong muli.

Makikita rin sa bahay ang galeriya ng mga antigong retrato at kagamitang pangbahay ng angkang Luna. Tulad ng ilang mga kagamitan (espada at uniporme) ng kapatid niyang si Heneral Antonio Luna.

Bantog sa Juan Luna Shrine at museo ang reproduksiyon ng dalawang magkapatid sa pangunahing obra ni Luna na kung tawagin ay Spoliarium at El Pacto de Sangre, kasama ang mga dibuho ng kaniyang asawa na si Paz Pardo de Tavera, pati na rin ang Pambansang Bayaning si Jose Rizal.

Sa ikalawang palapag naman ng bahay ay makikita ang sala, azotea, kapilya, at mga silid tulugan. Lahat ng mga ito ay nilagyan ng mga kagamitan na babagay sa panahon ng mga Español, at natatangi sa mga ito ang kama na ginamit mismo ni Luna.

Sa kasalukuyang panahon, ang Juan Luna Shrine ay patuloy pa ring kinikilala at dinarayo ng mga lokal maging ang mga dayuhan upang matunghayan ang mga obrang iniwan ng ating bayaning pintor na si Juan Luna.

Basahin din: Cesar Legaspi
Kasaysayan ng Pilipinas