Siyokoy

Siyokoy | Mitolohiyang Pilipino

Ang Siyokoy ay isang nilalang na kung saan ay mga kasapi ng bantay tubig, sila ay karaniwang kulay berde ang balat na nangangaliskis ang katawan.

Ang itaas na bahagi ng katawan ay isda, at simula sa tiyan pababa ay katawan ng tao. Matutulis ang ngipin, malalaking mata, puno ng kaliskis ang katawan.

Sila ang itinuturing na bantay sa kaharian ng mga sirena sa ilalim ng dagat, karaniwan na lamang sa kanila ang pagpatay sa mga tao. Sinasalakay ang sinumang tao na makita sa dagat.

Para sa kanila ang tao ay isang salot, kapag sila ay nakakita ng mangingisda ay agad nila itong pinapatay at kinukuha ang laman ng kanilang bangka.

Sila ay may kapangyarihan para mag-anyong tao, mayroon din silang magandang boses at sa pamamagitan ng kanilang pag-awit ay kaya nilang akitin ang mga babae.

Sa paniniwala rin ng iba, sadya nilang binubuntis ang kanilang mga biktimang babae upang madagdagan at hindi mawala ang kanilang lahi.

Ang siyokoy ay mahilig gumawa ng mga dekorasyon, gumagamit sila ng mga perlas at iba pang materyales mula sa ilalim ng dagat. Bilang palamuti sa kanilang kaharian, ito rin ang nagsisilbing saplot sa kanilang katawan.

May mga maiikling kwento rin ang umusbong dahil sa malawak na pag-iisip ng mga Pilipino. Totoo man ito o kathang isip lamang ay nagsisilbi pa rin itong aral sa karamihan.