Unang Babaeng Namuno ng Himagsikan

Kilala si Gabriela Silang dahil sa pagiging kauna-unahang babae na namuno ng himagsikan sa pamahalaang kolonya ng Espanya na kalaunan ay binansagang Unang Babaeng Heneral .

  • Pagkilala kay Gabriela Silang
  • Layunin kasama ang kanyang Asawa

Ang Unang Babaeng Heneral

Si Maria Josefa Gabriela Cariño Silang o mas kilala bilang Gabriela Silang ay ang unang babae na namuno noong panahon ng kolonisasyon ng mga Kastila sa Pilipinas. Siya ay isinilang noong 19 Marso 1731 sa Caniogan, Ilocos Sur. Siya ay inampon ng isang mayamang negosyante na si Tomas Millan na naging asawa niya sa edad na dalawampu, ngunit namatay ito pagkatapos ng tatlong taon. Taong 1757, siya ay muling umibig at ikinasal sa edad na dalawampu’t pitong taong gulang. Napangasawa niya si Diego Silang na isang magiting na mandirigma na lumaban sa mga Kastila. Sila ay nanirahan sa Vigan magmula noong Setyembre taong 1762.

Basahin: Digmaang Pilipino-Amerikano

Layunin kasama ang kanyang Asawa

Ang layunin ng grupo ni Diego Silang ay matiyak ang isang malayang Ilocos. Si Gabriela ang naging isa sa kanyang pinakamalapit na tagapayo sa tuwing nakikipaglaban ang grupo at siya ang laging sumasama sa kanila upang magbigay suporta at tulong sa nagaganap na labanan.

Nang mamatay ang kanyang asawa na si Diego Silang, ipinagpatuloy niya ang ipinaglalaban ng kanyang asawa. Subalit sa kasamaang palad, ang kanyang puwersa ay tila walang laban sa lakas ng libu-libong mga Kastila at kawalan ng interes ng mga Ingles nang nilagdaan ang kasunduan sa pagtatapos ng Pitong Taong Digmaan sa Paris noong Pebrero 1763. Tinagurian rin siyang “Unang Babaeng Martir” dahil sa kanyang pinamalas na katapangan at kagitingan para sa kapakanan ng kanyang bayan.

Kasama ni Nicolas Cariño, Sebastian Andaya at Manuel Flores, hinati niya ang kanyang hukbo at hinimok ang bayan ng Tingguian upang lumaban. Ang hukbo ni Gabriela na binubuo ng 2000 mandirigma ay sumalakay sa mga Espanyol sa Vigan noong Setyembre 10, 1763. Ngunit ang anim na libong tauhang Espanyol kasama ng sundalong Tagalog at Kapampangan ay handa sa kanilang paglusob. Tinambangan sila at nawaksi ang kanyang puwersa. Marami ang namatay subalit nakatakas siya kasama ng pitong iba pa. Kalaunan ay nahuli rin sila noong Setyembre 20, 1763 at sabay-sabay na sinintensiyahan ng kamatayan.

Ang kanyang katapangan ang naging inspirasyon ng pagtatag ng partido pampolitika na GABRIELA.

Basahin din: Corregidor
Mga Bayaning Pilipino